ako at ang mga iniwan mo
Binuklat ko kagabi ang nakaraan,
Dahan-dahang inalis ang pagkakatali sa gunita,
Pinikit ang aking mga mata,
At binuksan ang nakapinid na pagkalimot.
Ganito pala ang pag-alala sa mga sandaling
Dapat ay nililimot na,
Masakit.
Isang mahapding pagkirot ng mga sumbat at hinanakit
Na matagal na siniil sa naghihimutok na dibdib
Sa bawat pagpihit ng pahina ay ang muling pagpunit
Ng mga sugat na minsan ng naghilom.
At subukan mang ipinid muli ang awang ng sakit
Mananatiling nakasiwang ang pighati
Na ipinabaon mo bago ako umalis
Bakit di ka mahilom ng panahon?
Bakit di ka magpailanglang sa alon
At lisanin akong hapo ngunit buo.
Humayo ka, pakiusap,
At pigilin ang alingawngaw ng iyong paglisan
Na dumapo sa aking katawan.
Leave a Reply